Siyam na buwan ko na din inaalagaan.
Parang kelan lang, hayyy!
Masayang magbalik tanaw, kaakibat nito ang sangdamakmak na mga larawan. Ni hindi ko nga naintindihan kung paano ko pa sisinupin ang mga iyon. Mayroon ding sangkatutak na maiikling video na kahit ulit ulitin kong panoorin di ako magsawa.
Hahaha sadyang wala lang kaya akong magawa? O baka naman bunga ito ng aking pagkamangha. O di kaya, mahal na mahal ko ang aking anak kaya't hindi ako magsawa.
Hindi ko naiisip noon na gagampanan ko ang ganitong karakter sa aking buhay.
Tinawag ko na ngang anak ang aking kaisa-isang pamangkin dahil pakiwari ko noon, magiging dalaga ako hanggang pumanaw. Sadyang mahiwaga ang buhay!
Ang daming mga kaganapan na hindi mo naman inakala. Akalain mong nanay na ako? Hanggang ngayon, ako'y manghang mangha! Salamat sa biyaya at pagpapala.
Napakahirap palang maging mabuting ina. Hindi pala madali! Hahaha però napakasarap ng pakiramdam, lalo na yung ikaw lang ang pwedeng magpatahan sa batang umiiyak.
Bukod tanging ikaw lamang ang may alam. Ikaw kasi ang nanay. Minsan di ko maapuhap sa aking kamalayan ang hiwaga na nagdudugtong sa aming mag-ina.
Ang tanda na ng anak ko. Hay ang bilis lumaki! Siyam na buwan na siya... Sana hanggang mag ika labing siyam na taong kaarawan niya, makikinig pa din siya sa akin.
Sana...







No comments:
Post a Comment
thanks for taking time to read my posts