Isang nakakatuwang experience ang pagpunta sa bahay nina Sara. Para sa akin ito ay isang uri ng break. Nakikita ko kasi ang mga malalaking lote na walang bahay, ang mga nag-gagandahang bahay na para bang sa aking panaginip ay mga bahay sa Ayala Alabang.
Isang oras lamang naman ang inuubos ko kay Sara tuwing sabado, pero para sa akin isa itong uri ng pag-uwi sa Guido Street. Isang oras ng pakikipag utuan sa isang batang, iba ang lenggwahe, iba ang itsura ng bahay, iba ang mga laruan at may kakaibang ugali.
Isang sabado kada isang linggo na punong puno ng kakaibang karanasan. Sa sabado ng umaga ko lang nakikita ang itsura ng aking kabataan. Naalala ko ang mga palaka sa palayan sa Guido noon. Ang saya saya nila kada tag-ulan. Isang uri ng musika ito noong aking kabataan. At ang bawat pagpatak ng ulan ay isang magandang ala-ala ng aking kabataan.
Maging maputik na baha man or simpleng ingay ng palaka ang kaakibat ng ulan sa aking kabataan... gustong gusto ko itong babalikan, kasi kasama ko dun ang aking Atang at Inang. Ang atang ang una kong science teacher kasi pinaliwanag nya sa akin kung bakit at paano mo huhulihin ang palakang bukid. Napaka simple ng paliwanag nya at dahil tatay ko sya, nakabaon ito sa aking kamalayan.
Pati nga ang amoy ng Atang ko, hinding hindi ko ito makakalimutan. Ang Inang ko naman ang isang halimbawa ng teacher sa laboratory classes. Sa umaga pagkatapos ng maulan na gabi, nasa poso na sya at nililinis nya sa aking harapan ang mga palakang bukid na aming nahuli nung gabi.
Ang tinding karanasan din ito. Imagine, ang iingay pa nila noong nakaraang gabi, binabalatan na sila ng Inang ko kinabukasan. Ang tindi din ng mga ala-alang ito. Walang usapan, ang aking Inang ay tahimik lang na nagtatrabaho. Nakabantay lamang ako at ako ang nagtitimba ng tubig sa poso para sa kanya.
Nasa eskwela yata o sa trabaho ang mga ate at kuya ko. Basta ang alam ko noon, palaging ako at sila lang, ang atang at inang ko ang naiiwan sa bahay.
Miss ko na ang palayan sa Guido, pero wala na yatang natirang palayan doon.



No comments:
Post a Comment
thanks for taking time to read my posts